Ayon kay University of Santo Tomas Faculty of Civil Law dean Nilo Divina, maari lamang ilabas ang report ng AMLC kung mayroon nang kasong isinampa sa korte at ito ang gagamiting basehan sa reklamo.
Ang tinutukoy ni Divina ay ang report ng AMLC tungkol kay Vice President Jejomar Binay kung saan sinasabing nagkamal siya ng bilyong piso noong siya pa ay alkalde ng Makati City.
Sinasabi rin na ginamit umano ni Binay ang ilang bahagi ng perang nakalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura gamit ang kaniyang mga dummies, para mapondohan ang kaniyang kandidatura noong 2010.
Ani Divina, kung sinuman ang naglabas ng report nito ay tiyak na laban kay Binay, at maaring hindi naman ito pakana ng mismong AMLC.
Una nang pinabulaanan ng kampo ni VP Binay ang ulat tungkol sa AMLC report at sinabing gawa-gawa lamang ito para mabulilyaso ang kaniyang kandidatura bilang susunod na pangulo ng bansa.