Barge na may laman na nickel, lumubog sa Palawan

quezon palawanKinumpirma ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang pag-lubog ng isang barge na may kargang 1,120 metric tons ng nickel laterite ore sa bayan ng Quezon sa Palawan.

Ayon kay MGB-MIMAROPA regional director Roland de Jesus, inulat sa kanila ng Berong Nickel Corp. (BNC) ang paglubog ng isa sa kanilang mga barge malapit sa kanilang Pier One.

Base aniya sa report ng kumpanya, naisakay na ang mga laterite ore sa barge nang bigla itong pasukin ng tubig.

Sinabi naman ni De Jesus na nagpadala na sila ng kanilang mga tauhan para i-assess ang sitwasyon doon.

Tiniyak naman sa kanila ng kumpanya na ginagawa na nila ang mga dapat gawin upang ma-contain ang apektadong lugar gamit ang mga troso ng niyog at geotextile fabric.

Sa pahayag ng BNC, bumubwelta umano ang kanilang chartered landing craft transport na Marc Jason, nang bigla itong may mabangga, alas-4 ng umaga ng Huwebes.

Wala rin naman anilang nasaktan sa pag-lubog ng barge.

Naimbestigahan na rin ng Quezon Coast Guard ang pinangyarihan ng insidente, at idineklarang contained na ito.

Hinihintay pa naman ng MGB ang report ng kanilang mga tauhan upang malaman kung dapat ba nilang parusahan o pagmultahin ang BNC sa insidente.

Ang nickel ay isang metal na madalas na ginagamit pang-gawa ng mga barya, at oras na madikit o malanghap ng tao, maari silang magkaroon ng allergic reaction.

Read more...