1,520 na jeepney drivers dumalo sa unang araw ng general registration para sa Service Contracting Program ng LTFRB

Umabot sa 1,520 na Traditional Public Utility Jeepneys (TPUJ) drivers ang nakiisa sa unang araw ng General Registration para sa Service Contracting Program na ginanap sa Quezon City Memorial Circle kahapon.

Ang Service Contracting Program ay inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matulungan ang mga driver na magkaroon ng karagdagang kita ngayong may pandemya ng COVID-19.

Tanging ang mga driver ng jeep na pumapasada sa mga binuksan nang ruta ang pinapayagan na mag-register.

Ayon kay LTFRB Technical Division Head Mr. Joel Bolano, layon ng programa na mas mabilis namaiabot ang tulong sa mga drayber na apektado ng pandemya.

Para makapag-register sa Service Contracting Program, narito ang mga dokumentong kailangang isumite ng mga drayber:

– Original at Photocopy ng Professional Driver’s License;
– Certification na pirmado ng operator na nagpapatunay siya ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit;
– Dalawang (2) kopya ng photocopy ng valid ID ng Operator (likod at harap) na may tatlong pirma ng operator;
– Photocopy ng OR/CR ng mimamanehong Jeep.

Matapos makapag-register, isinailallim ang mga kwalipikadong driver sa orientation na pinangunahan ng LTFRB at Systems Manager.
Tinulungan din silang makapag-register sa smartphone app na makatutulong sa kanilang pagpasada sa ilalim ng Service Contracting Program.

Patuloy ang General Registration sa Service Contracting Program na tatagal hanggang Linggo, ika-29 ng Nobyembre 2020, mula 8:00AM hanggang 5:00PM.

Para sa mga nais mapabilang sa database ng mga kwalipikadong drayber at nais dumalo sa General Registration, mag-pre-register gamit ang Google Form na makikita sa link na ito: https://tinyurl.com/ServiceContracting.

 

 

 

Read more...