Sumuko sa kapitan ng Barangay Cupang sa Muntinlupa City ang suspek sa karumald-dumal na pangma-martilyo sa mag-ina sa Sta. Rosa, Laguna dakong alas-11 ng umaga ng Biyernes.
Ayon kay barangay chairman Celso Dioko, umamin sa kaniya ang suspek na si Ramoncito Gallo, 25-anyos na sangkot siya sa pagpatay sa mag-inang sina Pearl Helene Sta. Ana at kaniyang isang taong gulang na anak na si Denzel.
Isa si Gallo sa dalawang suspek na nag-panggap na taga-ayos ng internet para makapasok sa tahanan ng mga biktima.
Ani Dioko, nilalamon na umano si Gallo ng kaniyang konsensya kaya nagdesisyon na siyang lumutang at sumuko sa mga otoridad.
Inamin din umano ni Gallo na sumunod lamang siya sa isang ‘boss’ na nag-bayad sa kanila ng P60,000 para patayin ang mga biktima, at itinanggi na pagnanakaw ang motibo sa krimen.
Nang pinatukoy sa kaniya kung sino ang sinasabi nitong boss, ibinunyag ni Gallo kay Dioko na ito ay ang asawa ng biktima na si Richard, na una nang naging “person of interest” sa krimen.
Nais ani Gallo ni Richard na makaganti sa kaniyang asawa na may kalaguyo.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng Sta. Rosa police si Gallo, na ayon kay Chief Supt. Reynaldo Maclang, ay tumugma sa itsura ng kanilang nakita sa CCTV footage.
Sumasailalim na ngayon sa interogasyon si Gallo.
Magugunitang noong March 2, namatay ang isang ginang at ang kaniyang isang taong gulang na anak sa Sta. Rosa, Laguna matapos silang pagpu-pukpukin ng martilyo ng mga suspek na nag-panggap na empleyado ng Globe Telecom.