Tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ito ay kahit na hindi isinapubliko at ipinahiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kongresista na tumatanggap ng kickback sa mga contractor na nakakuha ng proyekto sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mandato talaga ng PACC ang mag-imbestiga.
Maari kasi aniyang isumite ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa piskalya o hindi kaya ay sa Office of the Ombudsman.
Paliwanag ni Roque, kaya hindi isinapubliko ni Pangulong Duterte ang pangalan ng mga kongresista ay dahil hiwalay na sangay ng pamahalaan ang lehislatura.
Hindi kasi aniya kagaya ang kongreso sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) na nasa ilalim ng ehekutibo na may hurisdiksyon si Pangulong Duterte.
Matatandaang kamakailan lamang, panay ang pagsasapubliko ni Pangulong Duterte sa mga pangalan ng mga tauhan ng BIR at Customs na nadismiss na sa serbisyo o nakasuhan na sa Ombudsman dahil sa korapsyon.