Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni NIA Administrator Ricardo Visaya na hindi nakasaad sa operations manual ng Magat Dam ang storage ng flood water maliban na lamang kung ang lebel ng tubig sa reservoir ay mababa sa full supply level na 193 meters.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, salungat ang flood control sa energy at water supply purposes ng Magat Dam kaya tinanong niya ang NIA kung paano nitong hinahati-hati ang carrying capacity ng reservoir sa tatlong functions.
Pero ayon kay Visaya, base sa impormasyon mula sa isang engineer ng University of the Philippines, ang Magat Dam ay itinayo para sa patubig o irigasyon ng 85,000 ektaryang lupain.
Bagama’t hindi aniya kasama sa kanilang functions ang flood control, sinabi ni Visaya na pinapapasok pa rin naman ng mga operators ng reservoir ang tubig-baha.
Nauna nang sinabi ni Visaya na ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam ay hindi pangunahing dahilan kung bakit nalubog sa tubig ang Cagayan Valley region nang tumama ang Bagyong Ulysses.