Mga tiangge na hindi susunod sa health protocols, ipasasara

Photo grab from PCOO Facebook video

Ipasasara ng pamahalaan ang mga tiangge na mabibigong magpatupad ng health protocols na inilatag kontra COVID-19.

Pahayag ito ng Palasyo matapos dumagsa ang mga mamimili sa Divisoria sa Maynila at iba pang establisyemento dahil sa papalapit na Pasko.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, maaaring ipasara ang mga tiangge kapag hindi nakontrol ng mga may-ari ang mga tao at walang naoobserbahang isang metrong distansiya sa bawat customer at maging sa kanilang mga tauhan.

Para naman sa mga tiangge na nasa open area o mga gilid ng kalsada, sinabi ni Roque na responsibilidad ng local government units ang pagkontrol at pagpapaalala sa mga tao.

Gayundin, iginiit ni Roque na responsibilidad mismo ng publiko na obserbahan ang mga dapat na ipatupad na minimum health standards para protektahan ang kanilang mga sarili laban sa COVID-19.

Nakapanghihinayang, ayon kay Roque, na mawawalan ng saysay ang kabuhayan at planong kasayahan kasama ang pamilya kung magkakasakit naman.

Kapag nagkataon, malamang aniya ay hindi rin magiging “merry” ang Christmas.

Read more...