Sa report ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na uunahing turukan ng bakuna ang mga mahihirap na Filipino na naninirahan sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Ibig sabihin, mauuna ang National Capital Region, Davao, Cebu at Bacolod na nakapagtala ng matataas na kaso ng COVID-19 at naging epicenter.
“Iyon po mayroon pong impact ‘yon kaagad sa ating economy at may impact kaagad na ma-contain po kaagad. So ang strategy po natin, Mr. President, po is geographical, priority ang NCR, priority ang Davao dahil ang Davao po ngayon umaakyat din, priority ang Cebu, priority po ‘yung mga Bacolod, ‘yung mga tinamaan po nang mabigat ng COVID,” ayon kay Galvez.
Ayon kay Galvez, sa ganitong paraan madaling malalaman kung epektibo ang bakuna at kung kaagad na maco-contain ang virus.
Sinabi naman ni Finance Secretary Carlo Dominguez na kakailanganin ang P73.2 bilyon pondo para sa 60 milyong katao na babakunahan.