WATCH: VP Robredo, sinupalpal ng Palasyo sa panukalang paggawa ng listahan para sa mga babakunahan vs COVID-19

Photo grab from PCOO Facebook video

Tinawanan lamang ng Palasyo ng Malakanyang ang panukala ni Vice President Leni Robredo na umpisahan na ang paglilista sa pangalan ng mga tuturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, 10 steps ahead si Pangulong Rodrigo Duterte.

Salamat na lamang ayon sa Palasyo sa mga suhestyon ni Robredo

“We don’t have to adopt the suggestion dahil mayroon na po kaming listahan. So thank you very much again but again po a bit too late kasi si Presidente Duterte po ten steps ahead,” pahayag ni Roque

Una na rito ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

May listahan na rin aniya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa mga pulis at sundalo na babakunahan.

May listahan na rin aniya ang Department of Health (DOH) para sa medical frontliners.

“Ito na naman tayo. ‘Pag sinabi po ng Presidente 4Ps beneficiary, Ma’am Vice President, mayroon na pong listahan iyan. So maraming salamat po sa suhestiyon pero as usual nagawa na po ng gobyerno iyan kasi may listahan na tayo ng 4Ps, may listahan na tayo ng kapulisan, may listahan na tayo ng kasundaluhan at iyong mga frontliners eh alam naman po ng DOH kung sino sila. So thank you po pero as usual, mayroon na po tayong listahan even before your suggestion,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, 70 percent ng 110 milyong populasyon ng mga Filipino ang bibigyan ng bakuna ng pamahalaan.

Ayon kay Roque, pangako ito ni Pangulong Duterte na kanyang tutuparin.

Una rito, sinabi ng pharmaceutical companies na Moderna at Pfizer na 95 percent na epektibo ang nalikhang bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Roque, may sapat na pondo ang pamahalaan para ipangbili ng bakuna.

Sakali mang kapusin ang pera, hindi mag-aatubili ang pamahalaan na mangutang o magbenta ng mga ari-arian makabili lamang ng bakuna.

Sa pinakahuling talaan ng DOH, nasa 418,000 na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 386,000 ang nakarekober habanng ang nasawi 8,124.

May report si Chona Yu:

Read more...