Karagdagang P5B calamity fund sa 2021 budget nais iginiit ng Kamara sa bicam

Isusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bicameral conference committee ng panukalang P4.5 trillion 2021 national budget ang pagdaragdag ng P5 billion calamity fund sa susunod na taon.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, imumungkahi ng Kamara ang dagdag na budget sa calamity fund kapag isinalang na sa Bicam ang 2021 General Appropriations Bill.

Mahalaga ayon sa house speaker na magkaroon ng budget augmentation sa calamity fund bunsod ng malaking pinsala na iniwan ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa imprastraktura at agrikultura sa maraming lugar sa Luzon na umabot na sa P35 billion.

Sa ilalim ng isinumiteng National Expenditure Program (NEP) para sa 2021 ni Pangulong Rodrigo Duterte, tumaas sa P20 billion ang pondo ng calamity fund kumpara sa P16 billion ngayong 2020.

Magkagayunman, ang P20 billion na calamity fund sa 2021 ay mahahati pa para sa Marawi reconstruction na P5 billion at P6.25 billion naman para sa quick response funds ng anim na ahensya ng gobyerno.

Aabot na lamang sa P8.75 billion ang pondo na paghahatian para sa mga biktima ng kalamidad at hindi ito sapat para sa rebuilding pa lamang na gagawin sa Bicol region na matinding hinagupit ng bagyong Rolly.

 

 

 

 

Read more...