Marathon at fun run, tampok sa 74th Death March anniversary sa Abril

 

Mula sa inquirer.net/AP

Bilang pag-gunita sa Bataan Day sa April 9, magkakaroon ng ultra marathon at fun run sa orihinal na rutang tinahak ng death march ng nasa 80,000 na mga Pilipino at sundalong Amerikano, kung saan sapilitan silang pinaglakad mula Mariveles, Bataan hanggang sa Camp O’Donnell sa Tarlac.

Tinatayang nasa 10,000 na prisoners of war (POWs) ang nasawi sa paglalakad na ito dahil sa sakit, gutom at init, habang ang iba ay napatay naman sa mga bayonetang hawak ng mga Hapones.

Ayon kay Philippine Veterans Bank-Corporate and Consumer Relations Division head Miguel Villareal, ang Bataan Freedom Run ay isasagawa para gunitahin ang kagitingan ng mga sundalong nag-tanggol sa Pilipinas noong World War II.

Bilang organizer ng aktibidad, iniimbitahan ni Villareal ang mga running enthusiasts na sumali sa Freedom Run sa April 9 at 10 na may 68.9 kilometer ultra marathon, at fun run na bukas naman para sa lahat maging sa mga bata at mga alagang hayop.

Ito na ang ika-74 na anibersaryo ng Death March, at ito na ang ikatlong beses na isasagawa ang nasabing Bataan Freedom Run.

Bukod sa mga Pinoy runners, may mga dayuhan rin na pumupunta para sumali sa nasabing marathon at fun run.

Magsisimula ang marathon sa gabi ng April 9 sa Mariveles, Bataan na tatagos sa mga bayan ng Orion, Limay at Pilar, pagkatapos ay dadaan sa Mt. Samat kung saan naroon ang Dambana ng Kagitingan, at matatapos sa Balanga.

Ang fun run naman ay magsisimula sa April 10, na may mga kategoryang 10-km at 5-km para sa adults, 1-km para sa mga bata at 500-m para sa mga family pets.

Read more...