Satisfactory to Very Satisfactory rating ang ibinigay sa Metro Manila sa pagpapatupad ng anti-smoking policies base sa pag-aaral na isinagawa ng MMDA at UP – College of Mass Communication Foundation Inc.
Pasado din ang mga lungsod ng Muntinlupa, Caloocan, San Juan at Mandaluyong, gayundin ang bayan ng Pateros sa pagpapatupad ng kani-kanilang Smoke-Free and Vape-Free ordinances na ipinatupad simula noong 2017.
Satisfactory to Very Satisfactory din ang nakuhang ratings ng mga residente at establismento sa limang nabanggit na lokal na pamahalaan sa kanilang pagsunod sa ordinansa ukol sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Sinukat ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagsunod sa advertising and promotion, enforcement, selling and distribution at ang hindi paninigarilyo sa mga eskuwelahan, pampublikong transportasyon at public transport terminals.
Inirekomenda din ni MMDA Chairman Danny Lim sa LGUs na palakasin pa ng kani-kanilang anti-smoking policies, monitoring system at pagpapatupad ng mga batas sa pagbabawal sa paninigarilyo hanggang sa barangay level.
Isinagawa ang pag-aaral noong December 2019 hanggang nitong nakalipas na Pebrero para masukat ang pagiging epektibo ng mga ordinansa laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.