Nakapagtala na ang Lungsod ng Maynila ng 95.1 porsyentong COVID-19 recovery rate sa buwan ng Nobyembre.
Batay sa huling ulat ng Manila Health Department (MHD), 21,494 na mga indibidwal o 95.1 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kaso sa Maynila ang gumaling na sa sakit na COVID-19.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, bunga ito ng patuloy na serbisyo ng mga medical frontliner sa lahat ng district hospitals ng siyudad kasabay ng maagap na aksyon ng Pamahalaang Lungsod sa pagtukoy ng mga apektadong indibidwal.
“Sa awa po ng Diyos, patuloy pong nagbubunga ang walang patid na serbisyo ng ating mga medical at healthcare frontliners. Mula sa paglulunsad ng COVID-19 tests araw-araw at sa pangangalaga sa mga nag-positibong pasyente sa ating mga Quarantine Facilities,” pahayag ni Mayor Isko.
Kinilala rin ni Mayor Isko ang kontribusyon ng bawat Manileño na sumusunod sa health protocols na ipinatutupad ng lungsod upang maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.
“Hindi po natin makakamit ito kung wala ang kooperasyon ng bawat Manileño sa pagsunod sa health protocols na ating ipinatutupad habang sinisiguro ang kaligtasan ng lahat,” aniya.
Sa kabila nito ay ipinaalala muli ni Mayor Isko sa publiko na patuloy na mag-ingat habang nananatili ang banta ng COVID-19.
“Hindi pa rin po tayo dapat makampante. Mariin pa rin po nating ipinaalala ang pagsusuot ng face mask o face shield, paghuhugas ng kamay at pag-obserba sa social distancing lalo na’t may COVID-19 pa po sa loob at labas ng lungsod,” pahayag ni Mayor Isko.
Samantala, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng libreng swab at serology testing ng lungsod para sa mga Manilans at non-Manilans habang wala ring tigil ang operasyon ng 14 na quarantine facilities nito.
Tuluy-tuloy din ang pag-suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga medical frontliner sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa healthcare facilities, pagbibigay ng mga gamot at paghahandog ng mga bagong kagamitan tulad ng High Flow Oxygen Systems at Powered Air-Purifying Respirators.