Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mayroon pang isasagawang infrastructure projects sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Layon ng mga proyekto na magkaroon ng progreso sa road network para sa mga residente sa nasabing lugar.
“The Department has been doubling our efforts to deliver necessary infrastructure projects for the revitalization of Marawi and its surrounding areas from man-made disaster of acts of terrorism in 2017,” pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar.
Isa na rito ang 2.85-kilometer section ng Lumbaca Ingud – Ranao Ranao Alternate Bypass Road sa Maul, Marantao.
Sa ngayon, 89.16 porsyento nang tapos ang proyekto.
Kokonekta ang road project sa Marawi City Diversion Road sa Sagonsongan sa pamamagitan ng Marawi Transcentral Road.
Inaayos na rin ng DPWH – Region 10 ang 5.2-kilometer, two-lane road sa Pantar, Lanao del Norte patungong Marawi City, Lanao del Sur.
Kabilang sa nasabing proyekto ang 16-linear meter Lilod Guimba Bridge sa Kurmatan-Matampay Road.
Ang ginagawang repair at widening naman sa Pumping Bridge sa Agus ay nasa 52.3 porsyento na ang completion rate hanggang sa buwan ng Nobyembre.
Samantala, 30.4 porsyento namang tapos ang 4-storey, 20-classroom school building sa Integrated School ng Barangay Moncado Kadingilian.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa April 2021.