Pangulong Duterte saludo sa kabayanihan ng limang tauhan ng DPWH na nasawi sa bagyong Ulysses

Kinikilala ng Palasyo ng Malakanyang ang kabayanihan ng limang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na namatay habang nagsasagawa ng clearing operations sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagpapasalamat ang pangulo at ang buong sambayanan sa kabayanihan at kagitingan ng mga search and rescue frontliners dahil sa kabila ng mga pagsubok ay ibinuwis ang kanilang buhay.

Nakilala ang mga nasawi na sina Roldan Pigoh, Joel Ballag Chur-ig, Johnny Duccog, at Ang mga engineer na sina John Mutug Limoh at Julius Gulayan, na pawang kabilang sa quick response team ng DPWH.

Nasawi ang lima matapos matabunan ng landslide habang nagsasagawa ng clearing operation sa Nueva Vizcaya-Ifugao-Mt Province Road, sa Sitio Nabito, Barangay Viewpoint sa Banaue, Ifugao.

“Kinikilala po talaga natin ang lahat ng ating rescue and search frontliners ‘no, nagpapasalamat po ang Pangulo at ang buong sambayanan sa kanilang kagitingan at sa kanilang katapatan ‘no na sa kabila ng pagsubok eh nandoon po sila ‘no, binubuwis ang kanilang mga buhay,” ani Roque.

Ayon kay Roque, nakasaad naman sa batas na may espesyal na bayad na makukuha ang mga manggagawa ng gobyerno na namatay habang tinutupad ang tungkulin.

Pero ayon kay Roque, hindi ang halaga ng pera ang pinag uusapan kundi ang pasasalamat ng buong bansa sa kabayanihan ng lima.

“Sa batas naman po, mayroon po tayong tinatawag na espesyal na bayad kapag sila po’y gumagawa ng mga delikadong mga gawain ‘no at I’m sure they will be given this amount po. Pero siyempre po it’s not the amount of money, it’s the gratitude of a very thankful nation. Maraming salamat po, mga bayani po kayo, iyong mga nagbibigay ng tulong at mga patuloy na naghahanap po ng mga nawawalang ating mga kababayan. Maraming salamat po sa inyong lahat,” dagdag ni Roque.

Saludo aniya ang Palasyo sa pagbibigay ng tulong ng mga search and rescue frontliner para sa paghahanap ng mga nawawalang indibidwal.

 

 

 

 

 

Read more...