Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni National Housing Administration General Manager Marcelino Escalada Jr. sa ilalim ng batas, kung higit sa isang taon na mula nang maitayo ang pabahay ay nag-lapse na ang panahon para mahabol ang contractor nito o developer nito.
Pero ani Escalada, ang LGU ay maari pa ring papanagutin dahil sila ang nagbibigay ng permit para matayuan ng pabahay ang isang lugar.
Sinabi ni Escalada na bago magtayo ng pabahay ng NHA, kinakailangang tiyakin ng LGU na ang site ay hindi hazard prone, hindi flood prone at walang fault.
“Ang liability ay nasa panig ng LGU dahil iyon ang nag-isyu ng permit para maitayo ang mga bahay,” ayon kay Escalada.
Isa ang Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal sa NHA Housing na tinamaan ng matinding pagbaha nitong nagdaang pananalasa ng Typhoon Ulysses.
Kabilang sa mga binaha ang Phase 1K-1, Phase 1K-2 at Phase 1-D na ang lokasyon ay pawang malalapit sa ilog.
Taong 2009 nang makaranas ng pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan kasama ang Rodriguez, Rizal dahil sa bagyong Ondoy.
Noong panahon na iyon, ang kasalukuyang kinatatayuan ng Phase 1K-2 ay isang malawak na lupain lamang, may mga damo, matataas na talahib at ilang mga puno.
Sa dami ng tubig-ulan na ibinuhos ng Typhoon Ondoy, ang naturang malawak na lupain ay nagmistulang bahagi ng ilog. Nalubog ito sa tubig baha nang umapaw ang ilog ng Montalban (Rodriguez).
Kasama ang pabahay na ito sa Kasiglahan Village sa isinasailalim ngayon sa assessment ng NHA.
Ayon kay Escalada, aalamin kung nagkaroon ba ng pagkukulang bago itinayo ang mga pabahay sa naturang lugar, gayong ang site ay lumubog na sa baha noong Ondoy.