Gayunman, sinabi ni Senador Teofisto Guingona III, pinuno ng blue ribbon committee na kanyang ikokonsulta muna sa mga miyembro ng komite kung nais pa ng mga itong mapakinggan ang anumang sasabihin ni Deguito.
Sakali aniyang pumayag ang mga miyembro ng panel, kanilang iimbitahan din sa executive session ang mga kasapi ng Anti-Money Laundering Council o AMLAC.
Sa kasalukuyan, nasa apat na senador ang nagpahayag ng pagnanais na mapakinggan kung ano man ang isisiwalat ni Deguito sa executive session.
Kabilang na dito sina senador Sergio Osmeña III, Sonny Angara, Ralph Recto, at si Senador Guingona.
Si Deguito ang nadidiin sa paglusot ng sinasabing 81milyong ‘dirty money’ na nakulimbat ng mga hackers sa Bangladesh Bank na idineposito sa apat na account sa RCBC noong February.
Ang naturang pera ay napunta sa apat na fictitious accounts na sinasabing pinroseso ni Deguito bago ito nailabas muli ng bansa.
Samantala, nakatakda na ring ipatawag ng Department of Justice si Deguito upang humarap sa preliminary investigation sa money-laundering case na isinampa laban sa kanya at sa apat na ibang personalidad.