Ombudsman Morales, may “reliable source” laban kay VP Binay

 

Inquirer file photo

Iginiit ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na mayroon siyang “reliable source” na magpapatunay na inimpluwensyahan ni Vice President Jejomar Binay ang Commission on Audit (COA) para maantala ang paglalabas ng special audit report kaugnay ng maanomalyang Makati City Parking Building II.

Una nang inakusahan ng kampo ni Binay si Morales na pinamadali umano sa COA ang paglalabas ng report para sirain ang kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo.

Binweltahan naman ito ni Morales at sinabing pawang kasinungalingan ang sinasabi ni Binay, dahil ang pangalawang pangulo pa umano ang nagmaka-awa sa COA na ipagpaliban ang paglalabas ng report hanggang sa matapos ang halalan.

Inakusahan rin ni Binay si Morales na nasa likod ng pagpapakalat ng report ng COA sa media.

Ngunit itinanggi ito ni Morales at hinamon ang kampo ni Binay na tanungin ang COA kung kanino nila ibinigay ang report.

Muling sinabi ng Ombudsman na isang reliable source ang nagsabi sa kaniya ng pagtatangka ni Binay na ipagpaliban ang paglalabas ng COA report.

Ani Morales, kung igigiit ni VP Binay sa ilalim ng panunumpa sa publiko ang pagiging responsable ng Ombudsman sa COA report leak, saka niya sasabihin kung sino ang kaniyang source.

Read more...