Kasong plunder, welcome kay Sec. Gazmin

 

INQUIRER PHOTO / NINO JESUS ORBETA
INQUIRER PHOTO / NINO JESUS ORBETA

Handa si Defense Sec. Voltaire Gazmin na harapin ang kasong plunder na isinampa laban sa kaniya dahil sa umano’y maanomalyang chopper deal noong 2013 na nagkakahalaga ng P1.2 billion.

Si Gazmin, pati na ang ilan pang opisyal ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay kinasuhan ng plunder ng empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Rhodora Alvarez sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Gazmin, mas mabuti na nangyari ito nang sa gayon ay lumabas ang katotohanan.

Gayundin ang naging tugon ni DND spokesperson Peter Paul Galvez, at sinabi pang welcome sa kanila ang kasong ito para magkaroon ng oportunidad si Gazmin at ang kanilang kagawaran na pabulaanan ang mga akusasyon ni Alvarez at muling ilabas ang mga katotohanan na kanila nang ipinresenta sa pagdinig sa Senado.

Kabilang sa mga nasampahan ng kaso ay si DND Undersecretary Fernando Manalo na chairman rin ng Bids and Awards Committee, ngunit ayaw na muna niyang mag-komento ukol dito.

Una nang inakusahan ni Alvarez si Gazmin sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon, ng pag-pabor sa supplier ng maanomalyang chopper deal sa mga kumpanyang JV of Rice Aircraft Services at Eagle Copter.

Read more...