Comelec, magbibitbit ng vote counting machine sa oral arguments sa SC

 

Inquirer file photo

Ipiprisinta Commission on Elections sa magaganap na oral arguments sa Korte Suprema ang ‘timeline’ ng kanilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon at ilang vote counting machines na gagamitin sa halalan.

Ito’y upang maipaliwanag ng mabuti sa mga Mahistrado kung bakit kakapusin na sila sa panahon upang ipatupad ang kautusan ng korte na mag-isyu ng vote receipts sa araw ng eleksyon.

Ayon kay Chairman Andres Bautista, dalawang unit ng vote counting machine (VCM) ang kanilang dadalhin sa oral argument kung saan ang isa ay may kapabilidad na magpakita ng ‘on-screen verification’ samantalang ang isa naman ay kapwa may on ‘screen at paper receipt.’

Sa pamamagitan aniya ng dalawang makina, maipapakita ng komisyon ang mga kakaharapin nilang sitwasyon sa araw ng eleksyon sakaling ipairal ang pag-iisyu ng vote receipt sa May 9.

Makakasama ng Comelec Chairman Andres Bautista sa presentasyon sina Commissioner Chirstian Robert Lim, na pinuno ng steering committee ng nalalapit na halalan at Solicitor General Florin Hilbay.

Kahapon, tinalakay sa special session ng Comelec en banc ang kanilang mga kinakailangang ipaliwanag sa mga Mahistrado partikular kung ano ang magiging epekto ng pagpapairal ng issuance ng vote receipts.

Inaasahang magpiprisinta rin ng kanilang panig ang grupo ng mga petitioner sa pangunguna ni dating senador Richard Gordon na una nang humiling na ipatupad ang batas kaugnay sa pagpapalabas ng voters receipt sa araw ng halalan.

Read more...