Alaska, Phoenix pinagtibay ang pag-asa sa Top 4 sa PBA Bubble

Nanaig ang Alaska kontra NLEX, 122 – 119, sa kanilang paghaharap sa PBA Philippine Cup sa AUF Sports Arena sa Angeles City, Pampanga.

Kinailangan pa ng dagdag na limang minuto para tuldukan ang sunod-sunod na panalo ng Road Warriors.

Si Maverick Ahanmisi ang kumamada nang husto para sa Aces sa kanyang 25 puntos, 12 rebounds at tatlong steals.

Sa kanilang panalo, 7-4 na ang panalo-talo ng Alaska at sinusundan nila sa itaas ang Ginebra, Talk ‘N Text at Phoenix, na pawang 7-3 sa liga.

Bumagsak naman sa 4-5 ang Road Warriors na nasa pang-siyam na puwesto sa palaro na walong koponan ang makakapasok sa quarterfinals.

Sa unang laro naman ay binura ng Phoenix ang 16 puntos na kalamangan ng Blackwater sa third quarter at makatakas ng isa pang panalo, 100-95.

Unang natikman ng Fuel Masters ang lamang konta Elites sa lay-up ni Matthew Wright, 81-79, sa 7:51 ng fourth quarter.

Simula nito ay hindi na nila ipinaagaw pa ang kalamangan sa Elite.

Read more...