Ipinasara ang isang piso net sa bahagi ng B. Cruz Street sa Barangay Tangos North, Navotas City.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ito ay dahil sa paglabag sa patakaran na manatiling sarado habang nakataas ang ‘stay-at-home’ policy para sa mga menor de edad.
Base sa ginawang inspeksyon ng Business Permits and Licensing Office, nakitang karamihan sa mga gumagamit ay mga bata at naglalaro lamang ng online games.
Alinsunod sa ordinansa sa lungsod, binigyan ng violation ticket ang mga magulang ng mga bata.
“Kung di po tayo susunod sa mga patakaran at patuloy na tataas ang kaso ng COVID-19 sa ating lungsod, baka sa susunod ay mapipilitan uli tayo na magsara ng mga industriya.
Iginiit ng alkalde na hindi pa maaaring magluwag sa lungsod habang may banta pa ng nakakahawang sakit.
“Kailangan pa rin ang lubos na pag-iingat dahil anumang oras ay pwedeng lumobo ulit ang dami ng mga nagkakasakit. Kapag nagkataon, mababalewala lamang po ang ating pinaghirapan sa loob ng walong buwan,” paliwanag pa nito.
Muli namang umapela si Tiangco ng pakikiisa mula sa mga residente na sumunod sa mga patakaran.