Pagkakaroon ng price cap sa swab test dapat lamang ayon kay Speaker Velasco

 

Iginiit ni House Speaker Lord Allan Velasco na mas darami ang mate-test sa COVID-19 dahil sa paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nag aatas na magtakda ng price ceiling para sa COVID-19 test kits at testing services.

Sabi ni Velasco, mapapabilis din ang pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya ng bansa at makakabalik agad sa dati ang normal na buhay ng mga tao.

Inirekomenda rin ni Velasco na gawing mas mababa pa sa singil ng RT-PCR test ng Red Cross ang presyo na itatakda para sa swab test sa mga ospital at laboratoryo.

Ang pagkakaroon anya ng price cap sa swab test ay magreresulta ng uniform rate kung saan mahihimok maski ang mga mahihirap na isailalim ang kanilang mga sarili sa screening lalo na sa oras na makaranas ng sintomas ng impeksyon.

Sinabi pa ng Speaker na kung gagawing mas accessible at mura ang RT-PCR test ay tiyak na tataas ang bilang ng mga magpapasuri at madali ring matutukoy, maibubukod at magagamot ang mga positibo sa impeksyon.

Read more...