Batay sa huling severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 105 kilometers Kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro bandang 1:00 ng hapon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 30 kilometers per hour.
Narito naman ang mga lugar na nakataas pa rin sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1:
– Northwestern portion ng Occidental Mindoro (Abra de Ilog, Paluan, Mamburao, Santa Cruz) kasama ang Lubang Island
Bunsod pa rin ng Bagyong Tonyo, asahan ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Mindoro Provinces, at Palawan kabilang ang Calamian at Kalayaan Islands.
Maaaring lumabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga, November 9.
Posible pang lumakas ang bagyo at maging Tropical Storm sa susunod na 24 oras.
Samantala, huli namang namataan ang nabuong Low Pressure Area (LPA) sa 920 kilometers Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Ayon sa weather bureau, maaaring maging tropical depression ang sama ng panahon sa susunod na 48 oras.
Oras na maging bagyo, tatawagin ang bagyo na “Ulysses.”