Mga laboratoryo na mananamantala sa COVID-19 tests, binalaan ni Sen. Go

Binalaan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga ospital, testing laboratories at iba pang pasilidad na mananamantala sa COVID-19 tests.

Pahayag ito ni Go matapos maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na magbibigay ng price cap sa COVID-19 tests.

Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health, dapat na sumunod ang lahat dahil babantayan na ng Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) ang COVID tests.

“Dapat silang sumunod at parusahan ang dapat paparusahan diyan kapag hindi sila sumunod. Uulitin ko, hindi ito ‘yung panahon ng pananamantala sa ating mga kababayan. Naghihirap ang ating mga kababayan. Tumulong kayo, ‘yun na ang magiging kontribusyon ninyo. Huwag ninyo pong gawing negosyo ang kalusugan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Go.

Matatandaang marami na ang nagrereklamo sa mahal na COVID tests kung saan ang iba umabot na sa P20,000.

“Alam ninyo na importante ‘yung COVID-19 testing. Eh pinagsasamantalahan ninyo pa ang sitwasyon ng ating mga kababayan. Naghahanap na nga ng libre ang ating mga kababayan. Kaya nga may [Philippine Health Insurance Corporation] tayo para magbayad sa mga COVID-19 testing,” pahayag ni Go.

Tiyak aniyang mananagot sa batas ang sinumang mananamantala sa pandemya sa COVID-19.

“Tapos ngayon, taking advantage of the situation naman kayo dahil sa pangangailangan ng mga kababayan natin. Hindi po puwede ‘yon! Pananagutin namin kayo,” pahayag ni Go.

Pinag-aaralan na ng DOH at DTI  ang pagpapataw ng parusa gaya ng multa at pagkakabilang sa mga pasaway na indibidwal, manufacturers, importers, traders, distributors, wholesalers, retailers, healthcare providers o licensed COVID-19 testing laboratories.

Read more...