Hiniling ni Senator Francis Pangilinan na maimbestigahan sa Senado ang posibleng panganib na idinulot ng pagtatambak ng dinurog na dolomite sa isang bahagi ng Manila Bay.
Sinabi ni Pangilinan dapat ay masagot kung talagang kinakailangan ang proyekto na aniya ay nagkakahalaga ng P389 milyon.
Sa inihain niyang Senate Resolution No. 565, inihayag ng senador ang kanyang mga pangamba sa pagsasagawa ng proyekto.
“This project is wasteful and unnecessary. Dapat ginamit ang milyon-milyong pondo para i-supplement ang ating pandemic health response, o kaya para sa distance learning gadgets at materials ng mga guro at estudyante. Pwede rin sanang cash aid para sa milyong mga Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong pandemya,” diin ng senador.
Layon din aniya ng imbestigasyon na alamin kung may mga posibleng pagkukulang ang mga opisyal ng gobyerno at maaring paglabag sa Local Government Code; Philippine Fisheries Code; Wildlife Conservation Act; Environmental Impact Assessment System; Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at
Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Banggit pa nito, isyu din ang ginawang pagkuha ng dolomite sa Alcoy, Cebu na maaring ikinasira din ng mga coral reefs.