Ayon sa PAGASA, naging ganap na Severe Tropical Storm ang bagyo bandang 2:00 ng hapon.
Batay sa severe weather bulletin, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 735 kilometers Silangan ng Basco, Batanes bandang 4:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Mabagal ang pagkilos nito sa direksyong pa-Hilaga.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga)
– Eastern portion ng Babuyan Islands (Balintang Isl., Babuyan Isl., Didicas Isl., and Camiguin Isl. including their adjoining islets)
Ayon sa PAGASA, magiging mabagal ang pagkilos ng bago o posibleng manatiling stationary sa susunod na anim hanggang 12 oras.
Inaasahang lalapit ang sentro ng bagyo sa Batanes at Babuyan Islands sa pagitan ng Huwebes ng gabi, November 5, at Biyernes ng umaga, November 6.
Hindi pa rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo.
Sa susunod na 24 oras, inaasahang magdadala ang northeasterlies na pinalabas ng Tropical Storm Rolly at Severe Tropical Storm Siony ng malakas na hangin at pagbugso sa Batanes, Babuyan Islands, at northern coastal areas ng Cagayan at Ilocos Norte.
Mararanasan din ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay mabigat na buhos ng ulan sa Bicol Region, Aurora, Quezon, at eastern portions ng Cagayan at Isabela bunsod ng pinagsamang epekto ng northeasterlies at trough ng Bagyong Siony.
Inaasahan namang lalabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng hapon o gabi.