Malakanyang hindi magbibigay ng timeline kung kailan mababayaran ang balanseng P500M ng PhilHealth sa Red Cross

Photo grab from PCOO Facebook video

Ayaw na munang magbigay ng timeline ng Palasyo ng Malakanyang kung kailan babayaran ng Philhealth ang balanse na P500 milyon na utang sa Red Cross para sa COVID-19 swab test sa mga umuuwing OFW.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mahirap na paasahin ang Red Cross lalo’t nakararanas ngayon ang bansa sunud-sunod na bagyo.

“Mahirap kasing magbigay ng timeline sa gobyerno ano, lalo na sa panahon na ganito na nasasalanta tayo ng mga bagyo gaya ni Rolly ‘no,” ani Roque.

Hindi naman aniya dapat na mag-alala ang Red Cross dahil sapat ang pondo ng pamahalaan para bayaran ang utang.

“May pondo po ang PhilHealth para diyan. Pangalawa, nangako ang Presidente magbabayad ang Republika ng Pilipinas. Mayroon lang po talagang mga proseso na pinagdadaanan bago magbayad,” dagdag ni Roque.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na aniya ang nagbigay ng garantiya na hindi tatakbuhan ng PhilHealth ang utang.

Kailangan lang aniya na sumunod sa proseso bago bayaran ang utang.

Sa ngayon, may ginagawa pang pag-aaral ang Department of Justice (DOJ) sa pinasok na kasunduan ng Philhealth sa Red Cross para sa swab test.

 

 

 

Read more...