Halos hindi kikilos ang sentro ng Tropical Storm Siony hanggang Miyerkules ng umaga, November 4, ayon sa PAGASA.
Sa weather forecast ng PAGASA, huling namataan sa layong 610 kilometers Silangan ng Basco, Batanes bandang 4:00 ng hapon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, simula Miyerkules ng hapon hanggang Huwebes ng hapon, November 5, inaasahang magsisimulang kumilos ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran papalapit sa dulong Hilaga ng Luzon.
Ani Perez, posibleng mag-landfall ang bagyo sa pagitan ng Batanes at Babuyan Islands area o bahagi ng Cagayan Valley.
Kahit malayo pa sa kalupaan ng bansa, tumatama aniya ang kaulapan ng bagyo sa ilang bahagi ng Cagayan Valley.
Nakakaapekto rin aniya ang northeasterly surface windflow.
Dahil dito, asahan sa Martes ng gabi, November 3, hanggang Miyerkules ng umaga (November 4), makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, magiging mainit aniya ang lagay ng panahon ngunit may tsansa lamang ng isolated thunderstorms lalo na sa hapon at gabi.
Nakataas naman ang gale warning sa mga sumusunod na lugar:
– Isabela
– Cagayan
– Babuyan Islands
– Batanes
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan