Ayon kay Salceda, isa sa may-akda ng panukala, na maaring hanapan ng pondo ang bubuoing departamento.
Patuloy aniya itong naghahanap at gumagawa ng paraan para makalikom ng pondo ang national government sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya sa pagbubuwis.
Pumalag din si Salceda sa puna nina Senators Franklin Drilon at Panfilo Lacson hinggil sa DDR.
Sinabi ni Salceda na pangunahing layunin ng panukalang batas na kanilang isinusulong ay ma-institutionalize ang disaster preparednes at response sa bansa.
Sa naging pahayag ni Drilon, ang pagbuo ng DDR ay tila “knee-jerk reaction” lamang na magpapalala sa burukrasya sa pamahalaan sa halip na i-streamline ito.
Kinuwestiyon naman ni Lacson ang feasibility at funding para sa iminumungkahing bagong kagawaran na ito, sapagkat nasa P1.5 bilyon ang sinasabing kakailanganin para maitatag ito.
Itinanggi rin ni Salceda na basta lamang sumulpot ang ideya sa DDR sapagkat produkto aniya ito ng kanyang naging mga karanasan bilang gobernador ng Albay, probinsya na madalas daanan ng mga bagyo.
Ang pagtatatag ng DDR ay hindi para dagdagan ang burukrasya kundi ayusin ang disaster preparedness at response ng pamahalaan.
Naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara noong Setyembre ang kanilang bersyon ng panukala.