Maaring nairita na si Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya hindi nakapagpigil at pinatulan ang nagpauso sa hashtag na #NasaanAngPangulo sa kasagsagan ng bagyong rolly.
Sa pahayag kasi kagabi ng pangulo, sinabi nito na mga ugok ang mga kritiko at tinanong kung gusto ba nilang tumayo siya sa white sand sa Manila Bay para patunayan na nakasubaybay siya sa sitwasyon sa bagyo.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, pointless o wala saysay at katuturan ang puna ng mga kritiko.
Nagawa na aniya ni Pangulong Duterte ang mga dapat gawin bago pa man tumama ang bagyong Rolly.
Nakahanda na aniya ang lahat ng departamento at ahensya ng gobyerno.
“Now siguro nairita si Presidente, ano ba ang gusto ng mga kritiko niya na lalabas siya sa kalye habang bumabagyo? That’s pointless po. Dahil nagawa na po ni Presidente ang dapat gawin, handa po ang lahat ng departamento at ahensya ng gobyerno,” pahayag ni Roque.
Bagamat bigo ang pamahalaan na makamit ang zero casualty, ginawa naman ng pamahalaan ang lahat ng pamamaraan para maibsan ang pinsala ng bagyo.
“Well unang una po, importante, yung preparasyon na ginawa po ng buong gobyerno ng republika para sa bagyong ito. Our aim is still zero casualty pero nakita naman po natin bagamat napakalakas ng bagyong ito ay nagbunga po yung ating disaster preparedness and the President is very happy to note that everyone did their job to warn people to evacuate, to prepare evacuation centers to preposition supplies, to preposition equipment para ma-repair ang mga kalsada. So yan po ang importante na pinaghandaan nating mabuti itong bagyo na ito,” dagdag nito.
Hindi na aniya nababahala ang Pangulo sa batikos ng mga kritiko dahil limang porsyento lamang naman sila ng buong populasyon ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Roque na wala nang nagawang mabuti sa mata ng mga kritiko si Pangulong Duterte.
“I guess there’s nothing wrong with that pero alam niyo naman po may malice na pagtanong niyan. Dahil yung mga kritiko na kahit anong gawin ni Presidente, hindi po, walang nakikitang mabuti sa ginagawa ni Presidente. Bahala na po sila. Anyway, they comprise 5 percent of the population and we will convert them still, wag po kayo mag-alala,” ani Roque.