Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, nasa kabuuang 83 passenger flights ang naapektuhan ng 24-hour closure ng paliparan.
Sa pulong sa araw ng Linggo, November 1, inatasan ni Monreal ang operators na magsimute ng recovery flights na nais nilang isagawa.
Bibigyan aniyang prayoridad ang scheduled flights para sa November 2.
Susunod na gagawing prayoridad naman ang ferry flights, walang sakay ng pasahero, na magbabalik mula sa mga paliparan sa labas ng Maynila upang magamit sa fleet requirement para sa flight dispatch.
“We do not want a scenario where passengers will be stranded inside the Terminals because of last minute cancellations. Passenger convenience should be the paramount consideration when mounting recovery flights,” ani Monreal.
Inabisuhan naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco ang local airline operators na mahigpit na makipag-ugnayan sa ahensya upang magabayan sila sa mga local airport na hindi pa makakatanggap ng flights bunsod ng natamong pinsala dahil sa Bagyong Rolly.
Kampante naman si Monreal na maa-accommodate ang recovery flights sa isang araw.
Samantala, binati ni Monreal ang preparasyon ng MIAA at airline companies sa Typhoon Rolly.
Sa inspeksyon sa NAIA, Lunes ng umaga, sinabi nito na walang naitalang pinsala sa paliparan.
Naayos aniya ang lahat ng ramp equipment ng ground handling companies para maiwasan ang anumang pinsala sa aircraft at ari-arian.
Sa loob naman ng terminal buildings, naihanda ang emergency lights lalo na sa emergency exits at ang fire extinguishers sakaling magkaroon ng emergency.
Ilang beses ding rumonda ang MIAA engineering, operations, safety at emergency services teams sa NAIA complex.