May tatlo ng bakuna, na maaring maging panlaban sa COVID 19, ang sumasailalim sa pre-screening, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ngunit paglilinaw ni FDA Dir. Gen. Eric Domingo wala pang awtorisado na magsagawa ng clinical trials sa bansa.
Binanggit nito na ang mga bakuna ay mula sa Janssen sa The Netherlands, Sinovac ng China at Clover mula sa Australia.
Aniya nauna na ang Sinovac sa tatlo at ito ay sumasailalim na sa evaluation and ethics review at maaring magkaroon na ng desisyon ukol dito sa loob ng isa o dalawang linggo, kung pasado o hindi.
Ang Clover at Janssen naman ay pinag-aaralan na ng Vaccine Expert Panel.
Ayon pa rin kay Domingo ang bakunang Sputnik V na mula sa Russia ay maaring pag-aralan na rin ng VEP sa nalalapit na panahon.
Kapag naaprubahan na para sa clinical trial, maari nang subukan ang mga bakuna sa libo-libong Filipino.