Ito ay matapos na maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang konsehal na si Arkie Manuel Yulde ng bayan ng Lopez, laban kay DPWH Regional Director Ronnel Tan.
Sa complaint affidavit ni Konsehal Yulde, mistula umanong ginawang confetti ni Director Tan ang mahigit dalawang milyong pisong cash na pinaghahagis at ipinamigay sa mga dumalo sa kanyang kaarawan noong December 2019.
Sabi ni Yulde, kabilang sa mga nakasaksing bisita sa magarbong birthday party ni Tan ang mga alkalde ng Quezon Province kabilang na si Gumaca Mayor Webster Lerargo, Mayor Ferdinand Mesa ng bayan ng Alabat at iba pang opisyales ng probinsya at mga barangay official.
Sabi ng complainant, regalo umano ito ni Director Tan sa mga opisyales na dumalo sa kanyang party.
Laman din ng reklamo ni Yulde ang umano ay sangkaterbang mga ari-arian ng opisyal kabilang na ang 600-square meter na mansyon sa Loyola Grand Villas sa Quezon City, mga mamahaling sasakyan at iba pa.
Nataon ang reklamo laban kay Tan, sa direktiba ni Pangulong Duterte na imbestigahan ang mga opisyales ng ibat-ibang mga ahensya partikular na ang DPWH na umano ay talamak ang korapsyon.
Dahil dito, bukod sa hiling kay Pangulong Duterte na sibakin na sa pwesto sa DPWH si Tan ay ipinasasailalim din ito sa lifestyle check.
Si Engr. Ronnel Tan na ini-appoint sa DPWH ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay asawa ni Quezon Congresswoman Helen Tan.