VP Binay, may bilyun-bilyong pisong tagong yaman – AMLaC

 

Inquirer file photo

Tumanggap umano ng bilyun-bilyong piso ang kampo ni Vice President Jejomar Binay mula sa iba’t-ibang proyekto sa Makati na siyang ginamit nito upang pondohan ang kanyang vice presidential campaign noong 2010.

Ito ang nilalaman ng pinakahuling ulat ng Anti-Money Laundering Council o AMLAC na na napasakamay ng Inquirer.

Sa 62-pahinang findings ng AMLaC, sinasabing idinaan umano ang naturang mga ‘kickback’ sa iba’t-ibang mga dummy accounts noong alkalde pa si VP Binay ng Makati City.

Kabilang sa mga proyektong pinagkakitaan diumano ni Binay y ang City Park Building, Makati Science High School Building at maging ang pamamahagi ng libreng birthday cake sa mga senior citizens ng lungsod.

Batay pa sa ulat na pirmado nina Bangko Sentral ng Pilipinas Bank Governor Amando Tetangco Jr., chairman ng AMLC at mga miyembro na sina Teresita J. Herbosa at Dennis B. Funa, sinasabing gumamit ng mga ‘third party launderers’ at bumuo pa ng mga financial institutions ang bise presidente bilang conduits upang maitago ang mga pondo.

Ilan sa mga itinuturong ‘dummy’ umano ng Pangalawang Pangulo ay sina Gerardo Limlingan Jr. Eduviges Baloloy, Mitzi O. Asedillo, Bernadette C. Portollano, Lily Hernandez Crystal, Antonio Lee Tiu, Daniel C. Subido at Mario Oreta at mga pribadong kumpanya na Agrifortuna, Inc; Sunchamp at Meiriras.

Napapaloob din sa report na may otorisasyon ang AMLAC na maghain ng mga kaukulang reklamo sa korte sa pamamagitan ng Solicitor General kabilang na ang petition for civil forfeiture laban kay Binay at mga dummy nito.

Maaring ma-forfeit ang aabot sa 139 na bank accounts, insurance policies, securities and investments at real properties at ang 35-ektaryang tinaguriang ‘Hacienda Binay’ sa Rosario, Batangas sakaling maihain ang petisyon at pumabor dito ang korte. Samantala, iginiit naman ni Joey Salgado, communications director ng Pangalawang Pangulo na mismong ang AMLAC ang humarap sa Manila Regional Trial Court at nagsabing iisa lamang ang bank account ni Binay.

Ang nilalaman din aniya ng naturang bank account ay idineklara nito sa kanyang Statement of Assts, Liabilities and Net Worth o SAL-N at Income Tax Return noong 2010.

Matatandaang ipinag-utos ng Ombudsman noong 2014 ang paglulunsad ng imbestigasyon sa diumano’y pagkamal ng kuwestyunableng kayamanan ng pamilya Binay sa loob ng 20 taong panungungkulan nito sa Makati.

Read more...