Al Gore, nagbabala sa mga kalamidad na posibleng danasin ng Pilipinas

 

Inquirer file photo

Binalaan na ni dating US vice president, environmentalist at Nobel peace laureate Al Gore ang Pilipinas sa mga disaster na maaring maranasan ng bansa oras na magpatuloy pa rin ang pag-taas ng temperatura ng mundo.

Aniya, kung hindi mapipigilan ang pag-init ng planeta, 50 percent ng mga living species sa mundo, kabilang na ang mga endemic species sa Pilipinas ang mawawala sa loob ng isang siglo.

Mauubos na aniya ang mga endangered species, tulad ng Philippine Eagle na ngayon pa lamang ay endangered na.

Paliwanag ni Gore, ang pag-init ng planeta ay pinapa-lala ng patuloy na paggamit ng carbon dioxide (CO2) na pangunahing contributor ng greenhouse gases na nagta-trap sa labis na init sa ating atmosphere.

Dapat na aniya natin itong ikaalarma dahil naaabot na natin ang mga sukdulan, at maari pang muling ragasain ng mas malalakas na bagyo ang Pilipinas, na tulad o higit pa sa Yolanda dahil sa patuloy na pag-init ng mga karagatan.

Posible ring maapektuhan ng climate change ang mga tanim na palay, mais at kamote na magreresulta ng problema sa food security.

Sinasabayan na rin aniya ito ng tumataas na sea level sa Pilipinas dahilsa thermal expansion at pagkalusaw ng mga yelo sa Greenland at Antartica.

Kaya naman panawagan ni Gore, sana sundin ng mga kasaping bansa ang napag-kasunduan sa Paris Climate Accord noong December 2015, at kabilang na doon ang Pilipinas na nangakong hindi na patataasin pa ng higit sa 2 degrees celsius ang global temperature.

Read more...