Isang bagong Taiwanese company sa Subic Bay Freeport ang gagawa ng face masks at iba pang personal protection equipment (PPEs).
Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman at Administrator Wilma Eisma, nagbigay na ng ‘go signal’ ang kanilang pamunuan para sa operasyon ng Mask Secure King Inc. (MSK) upang madagdagan ang production capacity ng PPEs at iba pang medical consumables sa bansa.
Magtatayo ang kumpanya, isang sangay ng Taiwanese construction and engineering giant MSK Group Work Inc. ng manufacturing facility sa Subic Bay Gateway Park II kung saan umupa sila ng 1,860-square meter building space mula sa Taiwanese real estate developer Xantheng Subic International Corp.
Ani Eisma, kukuha ang kumpanya ng 35 empleyado para sa unang taon ng operasyon.
Magtutuloy ang negosyo ng kumpanya sa ilalim ng trade name na “Secure Masks and Protective Gears.”
Ayon sa SBMA Business and Investment Department for Manufacturing and Maritime (BID-MM), inaprubahan ng Subic agency ang panukala ng MSK nitong Oktubre matapos maghain ng Certificate of Registration and Tax Exemption (CRTE).
Nakatutok ang registered business activity nito sa paggawa ng medical devices, medical tools and equipment, medical consumable products, at personal protective gears and equipment.
Kabilang sa mga gagawing PPE ng MSK ay medical disposable masks, gloves, foot and eye protection devices, protective hearing devices tulad ng earplugs and muffs, hard hats, respirators, at full body suits.
Ang MSK ang kauna-unahang Subic-registered company na pasok sa paggawa ng health and safety products and personal protective gears.
Ayon naman kay Eisma, makatutulong ang operasyon ng MSK para mapalakas ang lokal na produksyon ng N95 medical masks, PPE coveralls, at ventilators.
“Taiwanese investors, particularly the MSK Group, have been thriving here and continuously supporting and contributing to the development of the Subic Bay Freeport Zone. This manufacturing project by MSK will be another welcome addition to our list of timely business projects here in Subic,” pahayag ni Eisma.