Ito ay depende kung anong quarantine classification ang ipinatutupad sa local government units (LGUs).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, magsisimula muli ang operasyon sa November 16, 2020 at tatagal hanggang January 15, 2021.
Binigyan ng kagawaran ang mga LGU ng 60 araw para makasunod sa direktiba.
“We hope that the LGUs, despite the COVID-19 pandemic, will show the same enthusiasm and positive results that they were able to achieve last year as we aim for safer and accessible roads free from illegal and potentially hazardous encroachments,” pahayag ni Año.
“Despite the January 15 deadline, we wish to remind the LGUs that RCO is year-long endeavor, kaya kailangan natin ang kanilang commitment at pakikiisa,” dagdag pa ng kalihim.
Matatandaang inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa sa General Community Quarantine (GCQ) para sa buong buwan ng Nobyembre.
Base sa DILG Memorandum Circular 2020-145, sinabi ng kalihim na, “we may have resumed RCO 2.0 but we acknowledge the threat posed by COVID-19, hence, we still take into consideration the quarantine classification of the LGU.”
Aniya, ang buong implementasyon ng RCO 2.0 ay ipatutupad sa mga lugar na nakasailalim sa MGCQ at New Normal o Post Quarantine Scenario.
Partial implementation naman ang ipatutupad ng LGUs na nasa GCQ habang suspendido ang RCOs sa mga lugar na nasa MECQ at ECQ.
Maaari ring magsuspinde ng implementasyon ng RCO 2.0 ang mga LGU at barangay na nasa ilalim ng localized ECQ o MECQ.
Dagdag pa ni Año, sa partial implementation sa mga lugar na nasa GCQ, limitado lamang ang paggawa sa pagtatanggal ng mga harang sa kalsada na ikinokonsiderang mapanganib sa mga motorista.
Para naman sa full implementation sa MGCQ areas at pababa, kailangang gawin ang lahat ng sakop ng RCO na inilahad sa DILG Memorandum Circular 2020-027.