Hinikayat ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kanilang mga empleyado sa Subic Bay Freeport Zone na gawing personal ang laban sa COVID-19.
Inilabas ni SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma ang apela kasabay ng pagtatatag ng “Subic Bay Freeport Health and Safety Pledge and Promise to Humanity.”
Layon nitong maging inspirasyon sa mga empleyado para magkaroon ng personal commitment sa pagsunod sa health and safety protocols sa bahay at maging sa trabaho.
“So much is at stake in this fight against COVID-19—our personal safety, our livelihood, our family’s welfare, and the growth of the economy. So, we really need to take this fight to a personal level,” pahayag ni Eisma.
“We need healthy people to build a healthy economy, and it takes a personal commitment to safety in order to remain healthy in these very challenging times,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay SBMA Deputy Administrator for Health and Safety Ronnie Yambao, maliban sa pagpapalawak ng kamalayan ng bawat indibidwal sa nakakahawang sakit, makatutulong din ito para maiparating ang tungkulin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa buong mundo.
Ang safety pledge ay isa ring ‘commitment’ para sundin ang lahat ng health and safety protocols at mapanatili ang kaligtasan sa kanilang trabaho sa lahat ng oras; mahikayat ang iba pang tao na sumunod sa safety measures upang makasagip ng buhay; at magsilbing mabuting role model sa mga katrabaho, kaibigan at kamag-anak.
Pahayag pa ni Yambao sa naturang pledleg, “makes following protocols meaningful, rather than mechanical.”
Maliban sa mga empleyado, nakipag-ugnayan na rin ang SBMA sa ilang artista para ma-endorse at hinikayat din ang mga business locator at kanilang mga empleyado na gawin din ito.
Ani Eisma, upang mapagtibay pa ang workplace response sa COVID-19, nagkasa ang SBMA ng serye ng mga web seminar para magabayan ang Subic Freeport companies sa pagpapaigting ng kapasidad sa pagresponde sa gitna ng pandemya.