Sa huling severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 400 kilometers Northwest ng Pagasa Island, Palawan sa labas ng teritoryo ng bansa bandang 10:00 ng gabi.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 190 kilometers per hour.
Tinatahak nito ang direksyong Kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Ayon sa weather bureau, posibleng mag-landfall ang bagyo sa central portion ng Vietnam, Miyerkules ng umaga (October 28).
Inalis na ang lahat ng tropical cyclone wind signal sa bansa.
Kahit wala na sa teritoryo ng bansa, magdadala pa rin ang bagyo ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Western Visayas, Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, Aurora, Occidental Mindoro, Palawan kabilang ang Calamian, Cuyo, at Kalayaan Islands, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Samantala, ukol naman sa binabantayang Tropical Depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), huli itong namataan sa 2,025 kilometers Silangang bahagi ng Central Luzon dakong 10:00 ng gabi.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Mabagal ang pagkilos nito sa pa-Hilaga Hilagang-Kanluran.
Dahil dito, wala pang direktang epekto ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa.
Sa susunod na 48 oras, posibleng lumakas pa ito at maging isang Tropical Storm.
Inaasahang papasok ng PAR ang Tropical Depression, Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga, October 29.