Mga senador, kongresista kasama rin sa gagawing imbestigasyon ng DOJ laban sa korupsyon

Hindi ligtas ang mga kongresista at mga senador sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang korupsyon sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mandato ng DOJ na imbestigahan ang lahat.

Pero dapat aniyang tandaan na mayroon pa ring immunity ang mga nahahalal na opisyal ng gobyerno.

“Alam niyo po ang mandato po ng DOJ, sang ayonsa batas na nabuo ng National Prosecutors Office is to investigate everyone. Pero meron din po tayong mga immunities na ineenjoy ang ating mga elected members of Congress and the Senate pero it is not for violating anti-graft laws,” pahayag ni Roque.

Kahit aniya na hiwalay na sangay ang lehislatura sa sangay ng ehekutibo, wala namang hiwalay na ahensya ng gobyerno ang nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa korupsyon.

“So kasama po ang lahat ng mga public officers despite the separation of powers dahil wala naman pong seperate na ahensya na nag-iinvestigate ng korapsyon sa Kongrespo mismo. ‘Yan po ay kapangyarihan mismo ng ehekutibo, to implement all laws kahit sino pa man sila,” pahayag ni Roque.

Matatandaang pinaimbestigahan ng Pangulo sa DOJ ang korupsyon sa PhilHealth, Department of Public Works and Highways pati na sa Department of Agriculture.

Read more...