Pagtatayo ng contact tracing centers sa may mataas na kaso ng COVID-19, isinusulong sa Kamara

Congress photo

Pinagtatayo ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairperson Precious Hipolito-Castelo ng contact tracing centers ang pamahalaan sa mga lugar na may mataas na bilang ng mga bagong COVID-19 cases.

Sa ilalim ng House Bill 7538 ni Castelo, tutukuyin ng Department of Health (DOH) ang mga lugar na high-risk sa COVID-19 kung saan dito itatayo ang contact tracing centers na may kaukulang standard metric.

Maaari namang magrekomenda ang LGUs sa pamamagitan ng mayors at governors kung anong mga barangay, syudad, bayan o probinsya ang nakauri bilang high-risk area.

Layunin nito na magkaroon ng epektibo at sistematiko na tracing at monitoring ng COVID-19 positive individuals sa mga lugar na may high incidence ng impeksyon.

Tinitiyak din na hahanapin ang mga indibidwal na nakahalubilo ng nagpositibo sa Coronavirus Disease kung saan pinakaprayoridad dito ang mga naka-close contacts ng confirmed case.

Sinisiguro rin na lahat ng traced contacts ay maiging babantayan para sa anumang posibleng sintomas ng sakit at kung sakali ay isasailalim agad sa test, isolation at treatment.

Pamumunuan naman ng isang medical doctor ang itatatag na contact tracing center at ang DOH ang maglalabas ng mga implementing rules and regulations sa oras na maisabatas ito.

Read more...