Sinabi ni Prof. Flora Arellano, pangulong ng E-Net Phils., isang network ng 130 organizations na nagsusulong ng mga reporma sa edukasyon, ginagarantiyahan ng National Indigenous People’s Education ang edukasyon ng mga nasa IP o indigenous peoples’ communities.
Sa isang webinar, na ikinasa sa pakikipagtulungan sa ChildFund, inaalam ng E-Net sa DepEd ang updates ukol sa enrollment at non-enrollment sa mga public school ng mga katutubong mag-aaral.
Ayon kay Ma. Lourie Victor, ng DepEd IP Education Office, sinabi nito na nakatutok sila sa mga datos ukol sa mga katutubong mag-aaral at aniya sa kanilang palagay ang modular learning ang pinakamainam dahil marami sa mga komunidad ng mga katutubo ay nasa mga liblib na lugar kayat hindi uubra sa kanila ang online classes.
Naibahagi sa webinar, may 2.9 million IP learners noong nakaraang taon at maaring may mga hindi nakapag-enroll ngayon taon dahil sa pandemiya.
Nabanggit na halos 5,500 Lumad IP learners ang hindi nakapag-enroll dahil sa isyu sa kuryente, internet at gadget at may mga modules na nai bigay na hindi angkop sa kultura at sitwasyon ng mga batang katutubo.
Lumutang din ang kakulangan ng mga paaralan para sa IP communities at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na lamang, sa 2,490 barangays, 1,730 lang ang may paaralan.
Nangangahulugan na may 45,508 batang katutubo ang walang napapasukang malapit na paaralan.
Panawagan pa rin ni Arellano sa DepED na patuloy na magtayo ng community learning centers sa may 100 IP communities at ituloy din ang pagkuha ng IP teachers para sa IP community schools.