“Poe, Korte Suprema hahatulan ng bayan” – sa ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

grace poeMATAPOS ang kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa disqualification case ni Senador Grace Poe, lalong naging mainit at dikitan ang laban sa pagkapangulo ngayon.

Bagamat meron pang isang “motion for reconsideration” na dedesisyunan, maliwanag sa marami na tuloy na nga si Poe sa kanyang laban kina Vice President Jejomar Binay, Mayor Rodrigo Duterte, Mar Roxas at Senador Miriam Santiago.

Ang inaasahan ng kampo ni Poe ay ang pagsirit ng kanyang popularidad lalo na sa mga surveys at tuluyang iiwan ang mga kalaban. Pero, sa isang banda, maraming naglalabasang mga negatibong expose laban kay Poe na ang layunin siyempre ay pababain ang kanyang rating.

Kabilang na riyan ay ang sinasabing marangyang bahay niya sa Amerika. Sa ganang akin, ang pinakamalaking kwestyon pa rin ay kung tuluyan nang tatanggapin ng taumbayan ang desisyon ng SC.

Marami kasi ang hindi makapaniwala sa desisyon nito na ang isang “naturalized citizen” ay maari nang tumakbo at manalong pangulo ng bansa. Ibig sabihin, dating American citizen ay pwedeng maging pangulo natin.

Idagdag pa riyan ang mga nagpapalitong pahayag ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo De Castro na sa botong 9-6 , ang lahat ng pumabor ay walang “uniform position” sa citizenship at residency issues.

Sabi ng complainant na abogadong si Manuelito de Luna, pitong mahistrado lamang ang bumoto na “natural born” at may “residency” si Poe at dahil 15 mahistrado ang bumubuo ng SC, hindi “binding” ang naturang desisyon.

Sabi naman ni Chieg Justice Lourdes Sereno, bagamat pito lang ang bumoto , ito ay clear majority kahit 12 lang sa 15 justices ang dumalo sa botohan.

Ayon pa kay Sereno, sa isyu ng citizenship, pito sa 12 mahistrado ang bumoto pabor kay Poe, at sa isyu ng “residency”, pito out of 13 justices voted in favor of Poe.

Kung 12 o 13 lamang ng 15 man-SC ang sumali sa botohan, bakit naging 9-6 na ang resulta?. Paano nangyari ito, at bakit 7 votes ang “clear majority” ayon kay Sereno? Hindi ba dapat ay 8 votes out of 15?

Of course, magkakaalaman sa magiging final decision ng Korte sa isasampang mga motion for reconsideration. Pero, naisara na ba sa tao ang isyu ng “citizenship” at “residency” ni Poe? Well, ang halalan sa Mayo ang siyang magpapasya ukol diyan.

Gayunman, mahirap mapigilan ang paglaganap ng ideya na sa sitwasyong mananalo si Poe ay nalagay sa alanganin ang Constitutional requirement na “natural born” at may “10 year residency” ang presidente ng bansa.

Marami ang nanghihilakbot sa ideya na ang isang taong sumumpa ng citizenship sa Amerika ay babalik sa iniwanan niyang Pilipinas at magiging presidente pa. Idagdag pa riyan ang kumplikasyon ng kanyang mga anak at asawa na pawang mga American Citizen pa rin hanggang ngayon.

Bahala na ang taumbayang huhusga kina Poe at Korte Suprema, na nagbukas ng ganitong masalimuot na sitwasyon. Marahil, panahon na rin para pakinggan natin ang mga plano ni Poe sa bansa lalo ngayong nag-iikot siya . Malay natin, nasa puso na niya ang pagiging tunay na Pilipino at talikuran nang tuluyan ang Amerika na minsan ay minahal niya at pinaglingkuran.

Malay natin, siya na nga ang hinihintay nating pinakamagaling na pangulo ng ating bansa.

Read more...