Aminado si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na ang komisyon ay nasa isang emergency crisis mode ngayon at hindi nila malaman kung ano ang kanilang gagawin.
Ito ay may kaugnayan sa desisyon ng Supreme Court na kailangan nilang mag-isyu ng voters’ receipt.
Ayon kay Bautista, posible anilang malipat ng June 9 ang dapat sanang May 9 elections, dahil kailangan nila ng hindi bababa sa isang buwan para paghandaan ang pag-iisyu ng voters’ receipt.
Dagdag pa ni Bautista, sinabi rin sa kanila ng Smartmatic na maaring tumagal ng mahigit 20 oras ang botohan kung magbibigay pa ng resibo sa mga botante.
Hindi pa naman nakakapag-paalam o nakakapag-paapruba ang COMELEC sa Kongreso tungkol sa pagpapalit ng petsa ng halalan, na isang mahalagang aspeto dahil may nakasaad sa Konstitusyon kung kailan dapat ganapin ang halalan.
Ani Bautista, maari naman nilang masunod ang orihinal na petsa ng halalan, ngunit hindi nila matitiyak na ito ay magiging maayos at magiging kapani-paniwala ang mga resulta nito.
Paliwanag niya, tinitingnan naman ng COMELEC ang best at worst-case scenario sa kanilang dinaranas na isyu.
Aniya pa, bagaman hindi siya sang-ayon sa pagbabalik ng manual elections, isinasama na rin nila ito sa kanilang mga pinagpipilian oras na magkagulo dahil sa vote receipts.
Oras din kasi ani Bautista na bumalik sa manual elections ang COMELEC, mapapatagal ang pagbibilang ng boto hindi tulad ng sa automated elections na 20 oras lang ang kailangan para sa buong proseso ng pag-boto.