Pagkakaroon ng pandemic paid leave isinusulong sa Kamara

Itinutulak ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara na mabigyan ng ‘pandemic paid leave’ ang mga empleyado sa private sector na napilitang mag-quarantine at mag-leave muna sa trabaho dahil sa COVID-19.

Sa ilalim ng House Bill 7909 ng Makabayan bloc nakasaad na kailangang mabigyan ng mga privaye employers ng 14 na araw na dagdag na paid leave at full pay ang mga tauhan na na-expose sa coronavirus disease.

Sa mga “floating workers” o “involuntary out of work” pero may trabaho pa rin ay inaatasan ang mga private employers na bigyan ang mga ito ng maximum na 60 days paid leave at 80% na sahod.

Sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang paid pandemic leave ay sasagutin ng pamahalaan at hindi ng mga empleyado.

Kukunin ang dagdag na pondo para sa nasabing benepisyo mula sa available funds ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), at naipong savings sa kasagsagan ng pandemic.

Tinukoy ni Brosas na namomoblema ang mga manggagawa at empleyado sa private sector na na-expose sa COVID-19 gayundin ang mga naka-forced leave o floating bunsod ng pagsasara ng mga kumpanya at negosyo na apektado ng lockdown.

Aniya, ang mga ito ay nababawasan ang kanilang mga kita at savings, walang sinusweldo at nahaharap pa sa panganib ang kalusugan sa COVID-19.

Bukod dito, kapos din ang mga kumpanya sa sick leaves kaya kailangan na madagdagan at maisabatas ang pandemic paid leave.

 

Read more...