Isinumbong ng turistang si Anne Maria Elisabft sa mga pulis na nawala ang kaniyang P8,000 at 150 euros na nagkakahalagang P7,776 na nakalagay sa kaniyang pitaka matapos niyang paunlakan ang imbitasyon ng tatlong babae na kumain sa kanilang tahanan sa Quezon City.
Ayon kay PO3 Marlon dela Vega ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), namamasyal ang 29-anyos na turista sa Intramuros dakong alas-4 ng hapon ng Biyernes nang lapitan siya ng mga suspek.
Kinaibigan umano ng mga suspek si Elisabft at inimbitang mag-hapunan, ngunit tumanggi ang Finnish tourist.
Hindi man siya nakuha sa unang imbitasyon, nakuha naman ng mga suspek ang tinutuluyang hostel ng turista sa Makati City at binalikan siya roon para muling kumbidahin.
Pagkatapos nila kumain, uminom ng beer ang biktima at ang mga suspek, ngunit pagkatapos lamang ng dalawang bote, nahilo at nawalan na ng malay ang turista.
Nagising na lamang aniya ang turista ilang oras ang nakalipas, at hinatid siya ng mga suspek sa kaniyang hotel kung saan niya napagtanto na nanakawan na siya. Ani Dela Vega, hindi naman masabi ng turista kung saan sa Quezon City siya dinala dahil hindi naman niya kabisado ang mga lugar.
Sa kabila ng pangyayari, wala namang balak magsampa ng reklamo ang turista at sinabing nais lang niyang isumbong ang insidente sa mga pulis.