3 kababaihan ang nasaktan makaraang mahagip ang mga ito ng isang van sa kasagsagan ng motorcade ni Vice President Jejomar Binay sa lungsod ng Baguio, Linggo ng hapon.
Naganap ang aksidente sa kahabaan ng Shanum St., malapit sa isang convenience store sa lugar.
Ayon sa ilang saksi, kasalukuyang dumadaan ang convoy ng Pangalawang Pangulo sa lugar nang mahagip ang mga ito ng isang Toyota Hilux van.
Diumano, tinatangka ng mga biktima na umeedad 8, 17 at 19 na taong gulang na makakuha ng mga ‘Binay shirt’ nang masapul ng van.
Agad namang dinala sa Baguio General Hospital ang mga biktima.
Samantala, nagpahayag naman ng kalungkutan si Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni VP Binay sa mga pangyayari.
Nilinaw din nito na hindi bahagi ng motorcade ng Pangalawang Pangulo ang van na naka-aksidente sa mga biktima.
Nagtangka lamang aniya itong sumingit sa convoy nang maganap ang aksidente.
Sa kabila nito, kasalukuyan na aniyang nakikipag-ugnayan ang kanilang grupo sa pamilya ng naaksidenteng kababaihan.