Iran, dapat parusahan dahil sa missile test-Israel

 

Mula sa Google

Nanawagan ang bansang Israel sa makakapangyarihang bansa sa buong mundo na parusahan ang Iran matapos nitong mag-testing ng missiles.

Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, inatasan na niya ang kanilang Foreign Ministry na ipahatid ang panawagang ito sa Estados Unidos, Russia, China, Britain, France at Germany.

Ang mga nasabing bansa ay ang mga pumirma sa isang kasunduan para tanggalin na ang sanctions sa Iran kapalit ng pagpapatigil na ng nuclear program nito.

Inilunsad ang mga missiles na may mga naka-imprenta pang katagang “Israel must be wiped out” sa salitang Hebrew, noong nakaraang linggo.

Dahil dito, nanawagan si United Nations Secretary General Ban Ki-Moon sa Iran na maghinay-hinay lamang sa kanilang mga hakbang.

Inilarawan naman ng US Ambassador to the United Nations ang ginawa ng Iran bilang isang “provocative” at “destabilizing na hakbang.

Para kay Netanyahu, napakahalaga na matugunan ang panawagan nila, lalo’t nangako ang world powers na pipigilan nila ang Iran na gumawa ng mga katulad na paglabag.

Ito na ang pinakahuling tests ng Iran bilang bahagi ng muling pagsu-sulong nila sa kanilang missile program, matapos itong itigil dahil sa kasunduan noong nagdaang taon.

Nanindigan naman ang Foreign Ministry ng Iran na wala silang nilalabag sa kasunduan nila sa mga makapangyarihang bansa.

Read more...