Dapat patunayan ng Commission on Elections na sadyang imposible nang ipatupad ang Supreme Court Order na mag-isyu ito ng voters receipt sa araw ng halalan o kung hindi ay posible silang maakusahang sadyang tinatakot lamang ang taumbayan.
Ito ang pahayag ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms.
Tinutukoy ni Pimentel ang pahayag kamakailan ng Comelec na posibleng bumalik ang halalan sa manu-manong pagbibilang ng mga boto sa oras na gahulin sila sa oras dahil sa utos ng Korte Suprema na ipatupad ang pag-iisyu ng resibo sa araw ng eleksyon.
Paliwanag ni Pimentel, dapat patunayan ng poll body sa buong samabayanan na hindi nila kakayaning ipatupad ang utos ng Kataas-taasang Hukuman.
Dahil kung wala aniyang sapat na batayang maipapakita ang Comelec, dapat nang huminto sa pananakot ang komisyonupang hindi na malito ang taumbayan.
Una rito, sinabi ni Chairman Andres Bautista na pinaghahandaan na rin ng Comelec ang manual voting at ang posibilidad ng postponement ng May 9 elections sakaling ibasura ng Supreme Court ang kanilang motion for reconsideration sa kautusang mag-isyu ito ng resibo sa mga botante sa araw ng botohan.